ako'y tubong lucban, quezon. dito na ako ipinanganak, lumaki at nagdalaga. masarap balik-balikan sa alaala ang mga nakagisnan ko. ang mga ibang salita na mababasa nyo ay salitang lucbanin.
...Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa iskul - PBL, Academy at Lucban National College pa lang noon;
Walang mga bakod ang magkakapit-bahay, kung meron, gumamela lang o kaya, simpleng kawayan; hindi rin uso ang mga grills.
10 sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon: solb na sa pancit habhab at palamig na nasa plastic with straw;
'yung natira sa baon, pambili ng limon.Wala pang mineral water noon.
iigib nga lang sa gripo sa kanto o kaya sa ilog, katalo na;
Masarap kumain ng pancit habhab sa palengke, puto, arroz caldo;
dun sa bohem dati, suki kami. wala pang ground zero at buddy’s ay;
Simple lang ang pangarap: makatapos, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak.
bihira 'yung after kaleyds, abroad agad ang inaasam.
Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, sa bonggo resort, sikat yun noon.
nilalakad lang papuntang samil o malinao, sa me kampo santo naman, matinda;
Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: trak-trakan
(gawa sa mga kahon ng sapatos at darigold na maliit ang mga gulong,
maiingay ang mga gulong gawa sa bearing ang gamit sa mga trolleys,
inaarkila pa nga 5centimos isang oras;
Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: kasi laro nga iyon.
Maraming usong laro at maraming kasali: lastiko, gagamba, turumpo, tatsing ng lata, pera-perahan namin ay kaha ng Philip Morris, Marlboro, Champion (kahon-kahon yon!)
May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli tutubi
o kaya nandadakma ng palaka
Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas - suot mo pa rin.
magandang bato' 'yun sa piko o kaya tumbang preso.
isali pa ang building body;
Nanlilimahid ang pundilyo ng shorts mo kasi nakasalampak ka sa lupa,
naglalandi ng putik;Pitpit lang ng gumamelang dahon, me instant palobo na;
o kaya bulaklak ng mga damo sa tabi, sibuyas-sibuyasan…lutu-lutuan;
Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology ngayon,
di ba mas masaya noong araw?
Sana pwedeng maibalik…
Takot tayo ngayon sa buhay. Kasi maraming napapatay, nakikidnap, maraming addict at masasamang loob
Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola.
Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kaya’t ayaw tayong mapahamak
o mapariwara kaya panay sermon nila noon sa atin
Nauuna silang nasasaktan pag pinapalo nila tayo…
Balik tayo sa nakaraan kahit saglit --
Bago magkaroon ng internet, Ipod, Ipad, at cellphone.Noong wala pang bars & malls.
Yung malalaking bambang, puno ng tubig, sarap magtampisaw,
habang naglalaba ang mga nanay sa gilid;
Hindi ka magigising sa ingay ng tricycle pag pasukan,
dahil halos lahat naglalakad lang; pag naulan,
sarap maglandi sa tubig. tabi-tabi lalo’t yagpa;
Sa exchange gifts pag pasko, katalo na ang sabon o panyo, tuwa na tayo;
Suki ng kalye sa piko, chinese garter, luksong tinik o
bimbiw kapag maliwanag ang buwan;
Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag
nanonood ka ng nakakatakot sa "Mga Aninong Gumagalaw"
Ang pagpigil sa hininga habang nakikinig sa DZMM ng "Gabi ng Lagim"
Pag-akyat natin sa mga puno; pagkakabit ng kulambo;
lundagan sa kama, naglalambitin sa kisame;
Nginig na tayo pag lumabas na ang sinturon ni tatay o ang walis tambo ni nanay.
Nai-sako ka rin ba?
O kaya naglagay ka ba ng karton sa pwet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon pag napapalo?
Pamimili ng bato sa bigas, pagtatanggal ng buto ng bitswelas…me upa bawat isang takal;
Tinda-tindahan na puro dahon naman,
bahay-bahayan na puro kahon;
naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw pag bakasyon?
Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga;
pagtawa hanggang sumakit ang tiyan;
Meron pa bang naglalaro ng tibig, kulitis, foot jump, hulahoop?
O kaya jack & stone?
Takot tayo sa "sipay", sa "kapre", o nuno sa punso;
Sa gabi pag sabado, basta me cassette player, tugtugan,
sayawan sa kalye, tapos papaluto ng pancit, kuha ng bahaw!
Pag bakasyon, me liga ng basketbol sa patyo,
kanya-kanyang kantyaw bawat kampo;
Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay - alembong, panggasyosa, tikman, lakas?
Pwede ring ang sukli ay limon, o kending Vicks (meron pang libreng singsing)
Mauling na ang mukha at ubos na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magpa-rikit ng apoy,
gamit ang ipa o bualaw.
Ang liputi kapag kinalunggo sa asin sarap kainin, kahit madagta,
mamya pula na ang damit o dila,
Ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin.
Halo-halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog;
Sakang ang lakad mo at nakapalda ka kasi bagong tuli;
naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan.
gasa lang naman ang gamit na pasador.
Tinitiklop ang banig pagkagising;
matigas na almirol ang mga punda at kumot;
madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon,di ba?
Pwede rin sa laylayan…
May mga program kapag Lunes sa paaralan. dun sa Lukda, yun lagi ang stage;
May dala kang pang as-is kung Biyernes kasi toka mong cleaner ng desk.
Ansaya!
Naalala mo pa ba?
Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na 'yon…
At masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyon…
Di ba noon…
Awit muna: Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen.
How how the carabao batuten…
Presidente ng klase ay ang pinakamagaling,
hindi ang pinaka-mayaman;
Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti;
Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras tayo sa isat-isa;
Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka;
kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen.
Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero
sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo.
Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo;
meron tayong skyflakes at Royal sa tabi.
Kung naaalaala mo ito…
Pustahan tayo nakangiti ka!
Nasa iyo naman ang susi ng ALAALA,
Bumalik ka minsan sa nakaraan,
libre yun...