ambilis naman ng oras. parang kelan lang nasa 'Pinas lang ako, nasa Chowking, ninanamnam ang beef mami. nakakamiss! medyo malamig na rin, pero hindi na dapat mainit ang panahon, kasi oktubre na. dapat nakamakakapal na kaming jackets dito sa Milan. nag-iiba na talaga ang panahon. nung unang dating ko dito sa Milan agosto pa lang sobrang lamig na. ngayon, oktubre, mainit pa rin, lalo na sa tanghali. parang summer pa rin. papawisan ka, mag-aalis ng jacket. malamig sa gabi at umaga. dyan nagsisimula ang sipon, ubo at trangkaso. usung-uso dito yan pag nagpapalit ng panahon.
eto, marami akong pinagkaka abalahan ... blog, facebook, anak, asawa, trabaho, bahay...
tipikal na buhay ng isang ina, maybahay at trabahador.
gigising sa umaga, aasikasuhin ang mga bata, luto ng almusal, ihahatid sa eskwelahan ang mga bata. tapos, punta ng palengke o mag gogrocery,
balik sa bahay, magluluto ng hapunan na, para iinitin na lang pagdating sa gabi mula sa trabaho.
maglalagay ng labahin sa washing machine,
huhugasan lahat ng pinag kainan, pinag lutuan...
mag-aayos ng kwarto, maglilinis ng bahay, habang nakikinig ng radyo.
magbubukas muna ng computer, magtse tsek ng emails, ng facebook, ng blogger.
(tiiiiing, tiiiiing, tiiiiiiiing...) tapos na ang washing machine,
magsasampay.
iinom lang ng juice, kakain ng konting biscuits.
okey na 'yun na almusal.
ambilis lumipas ng oras,
alas tres y media na,
gayak na ulit pagsundo sa mga bata sa eskwelahan.
dadating ang pinsan ko na mag-aalaga sa mga bata habang nasa trabaho ako.
hihintayin ang bus papuntang trabaho.
magbabasa ng libro sa bus. isang oras din ang byahe.
magpapalit ng bus papuntang subway na treno.
lalakad patungong trabaho.
alas 5:45 na nang hapon, ilalabas ang id.
"tuuuut", bubukas ang gate pagtapat ko ng id ko.
"Ciao", babatiin ang receptionist sa lobby.
"tuuut" oopen ulit ang ikalawang gate, bababa sa elevator,
mag-papalit ng damit, iiwan ang mga gamit.
aakyat ulit sa taas.
"tuuut"..bukas ulit ang gate.
kukuha muna ng malamig na tubig sa vending machine.
"glug..glug...glug..." inom muna.
"Buona Sera"...babatiin ang mga empleyado...
simula na naman ng trabaho...
aba, alas 8:40 na pala ng gabi.
"Andiamo" (tara na) sabi ng partner kong taga-Peru.
"tuuut", lalabas ng gate,
bababa ng elevator..magbibihis na ulit.
aakyat ulit ng elevator. "tuuut", bubukas ng gate.
"tuuuuut" isa pang gate.
alas 8:55 na pala. lakad uli pa subway, sakay ng treno.
palit ng bus...
isang oras na naman.
Ipod na lang, saksak ang earphone sa tenga habang nasa byahe.
ayan, nasa bahay na...alas 9:45 na ng gabi.
"Ciao Mamma..." sisigaw ang dalawa kong anak at sasalubong ang bunso kong babae.
hahalik pa 'yun. nakakawala ng pagod!
hihintayin ang asawa, pagdating kakain na ng hapunan.
ambilis talaga ng araw....
bukas...
isa na namang karanasan.
katulad man ng ngayon o hindi,
ang mahalaga, patuloy ang buhay,
patuloy ang pag-asa,
patuloy ang paghinga.